Kuyakoy =]

January 30, 2010

Goin’ Locco Over Feng Shui

Filed under: Uncategorized — jraldrbnt @ 11:42 pm

FENG Shui Experts—siguradong pamilyar ka na sa kanila. Naglipana na sila ngayon sa telebisyon. Lalo na ngayon, bagong taon. Hala ka…

Ilang beses na yata akong nakapanuod ng iba’t-ibang “so-called” Feng Shui experts sa tv. Karaniwan na sa kanila ang magsulputan tuwing (1) bagong taon, (2) Chinese New Year at (3) araw araw dati tuwing hapon sa channel 13. Ewan ko lang kung meron pa nu’n ngayon. Basta ang alam ko, sa tuwing mapapanuod ko sila, pasensya, pero talagang natatawa na lang ako sa mga pinagsasasabi nila. (“Kailangan pinto, nakahalap sa Nolth West… mga bandang Nolth Edsa.”) Tikas! Bilib ako sa mga Tsino dahil sa angking galing nila sa pagtuturo ng north, east, west at South Luzon Express Way nang hindi gumagamit ng compasSa tagal ko na ring nakakapanuod ng mga Feng Shui “tips and tricks” taun-taon, e medyo may natutunan na rin naman ako (kahit ang totoo ay ‘di ko naman talaga ‘to ginusto):

•Kailangang ‘di magkaharap ang dalawang bintana o dalawang salamin dahil malas ito. And we quote, “Itinataboy nito ang bad luck,” unquote.

•Kailangang krusan muna ang kanin bago ka sumandok ng kakainin mo. Sabi ‘yan ng nanay ko.

•Kailangang alisin ang toilet sa loob ng bahay. Dahil, “It flushes everyone’s wealth.”

•Kailangan ding may alaga kang dragon sa loob ng bahay dahil “dragon symbolizes wealth, luck, strong personality, health, tattoo at Bruce Lee.”

•Kung wala kang mahanap na dragon ay maaari ka namang mag-alaga ng iba pang hayop na ka-uri o kahawig o kapareho ng balat o kaamoy ng hininga ng isang tipikal na dragon. Ang mga perpektong halimbawa nito ay Tyrannosaurus Rex, bayawak, tuko, butiki, buwaya, biyanan at teacher mo sa Ekonomiks.

•Tuwing New Year, kinakailangang mag-ipon ng labindalawang bilog na prutas. Sinisimbolo nito ang labing dalawang makapangyarihang agimat na ginamit ni Jackie Chan upang labanan si Shen Du na mapapanuod sa Jackie Chan Adventures (Episode 34)

•Pero seryoso, naniniwala ang nanay ko na labing tatlong bilog na prutas daw ang kailangan sa New Year. Nito nga lang Bagong Taon ay naghanda ang nanay ko ng 13 na bilog na prutas kabilang na ang chico, sunkist, apple, chesa (?), pinya, saging, tasty, lemon, kalamansi, CD, christmas balls at tigdas.

•Kailangang magsuot ng Onyx Diamond Charm Bracelet (Php140) dahil nagtataboy ito ng negative forces at ng mga batang gutom na mahilig mangalabit sa ‘yo para hingin ang tira mong cheeseburger na nu’ng isang araw mo pa inuunti-unting kainin.

•Kinakailangan din palang magsuot ng Green Jade Bead Amulet (Php199 isa, Php140 na lang kung bibili ka ng Golden Sumo Wrestler, este Buddha, na nagkakahalaga ng Php1,470 per kilo.) Ang nasabing Amulet ay nag-aatract naman ng mga positive energy na mainam para sa mga batang mahina ang baga.

•Bumili ng “kumakaway na pusa” at samahan pa ito ng “palakang may kagat-kagat na coins”. Ilagay ito sa direksyon kung saan madalas sumisikat ang araw. Ilagay ito sa Luneta Park. Hindi lang nito itinataboy ang mga batang gutom, kundi mainam din itong pantaboy ng mga bad elements, fairies, mga Mulawin, at mga batang gutom na humihingi ng panulak.

Ilan lang ‘yan sa mga batas ng Feng Shui. Parang ang hirap tuloy maging Chinese. Parang andami kasing bawal. Nakakatawa lang isipin na kahit wala tayong lahing “intsik” ay marami pa rin sa atin ang nakasanayan nang sundin ang ilan sa mga ito. Nadaragdag sa libu-libong pamahiing umiikot sa kultura at dugo ng isang Pilipino. Kaya nga siguro ‘di umuunlad ang ‘Pinas, kasi puro tayo asa—asa sa mga maswerteng numero, sa mga kumakaway na pusa, mga hula, lucky color of the day, linya sa palad, mga bituin at horoscope ni Aling Puring.

Walang pagkilos. Puro asa.

Sana lang maisip ng iba sa atin na hindi hawak ng mga bituin ang ating kapalaran. Gabay lamang sila. Meron tayong free will at 1UP. Gamitin natin ang mga ito upang maipagpalit sa healing potions, collectibles at freebies.

January 23, 2010

TxTsPe3k

Filed under: Tikas Pinoy — jraldrbnt @ 11:11 pm

“OiSzt..!!!!!!!!!!!!!!!!1 Amusxta nua.? LøN6 tym n0 txt huh ?dii cka nrin n6tetezst¡ sza fwendster qou..amf ka…! peo eus larn, (^^,) ahahakk.. Lakaszs n6 uLhan diito. . ! Err.. >:( , kmUzsta nu buh? Yapeth na pfue xembwuek..xupergala na nMan ! .. ahihi.. weply xua di6its quh..wak poh dto. gudluqk.. ! ge .. b0unce bacq huh .. ? Muapx. . .

^++\\signin’ øff//++^

[pm.]

PAMILYAR KA BA SA GANYANG EKSENA?

Malamang. Mga maling uri ng paggamit ng abbreviations, acronyms, text lingo at punctuation marks na nakakangilo. ‘Yan ang “textspeak”.

Ang textspeak ay unang naimbento noong unang panahon ng mga taong bangag na marunong gumamit ng cellphone. Ito ang paraan nila para makapag-usap ng pribado (PM), at para narin pasakitin ang ulo ng ibang tao.

SOURCE: Pasaload

Kelan lang ay nakatanggap ako ng isang text message na ‘di ko aakalaing makapagpapabago ng takbo ng buhay ko:

“OiSzt..!!!!!!!1 Amusxta nua.? LøN6 tym n0 txt huh ?dii cka nrin n6tetezst¡ sza fwendster qou..amf ka…! peo eus larn, (^^,) ahahakk.. Lakaszs n6 uLhan diito. . ! Err.. >:(. kmUzsta nu buh? Yapeth na pfue xembwuek..xupergala na nMan ! .. ahihi.. weply xua di6its quh..wak poh dto. gudluqk.. ! ge .. b0unce bacq huh .. ? Muapx. . .

^++\\signin’ øff//++^

[pm.]

Wtf ? ! Ano raw?

Peksman! Matapos kong mabasa ‘yan ay dalawang bagay lang ang unang pumasok sa isip ko: (a) May sama siya ng loob sa akin at hindi niya masabi ng harapan kaya sa text niya na lang idinaan, o (b) Minumura, sinusumpa at dinadasalan niya na ako — maging ang katawang lupa ko — NA MASUNOG SA KUMUKULONG LAWA NG DAGAT-DAGATANG APOY NG IMPYERNOOO!!! WHEW! Pasensya na. Nadala lang. Pero talaga naman kasing nakakainis yung ganyan! Tatanungin ko pa nga dapat siya kung magkano ba magpalagay ng braces sa ngipin o kung lasing ba siya, pero di ko na ginawa yon dahil may pinag-aralan naman ako:

“Ah. Ganon ba? Cge, hehe. Gudlak na lang den. Nga pala, ingat ka ha? Lasheng ka pha neman, tsaka… hmm, kelan ka pa nagpalagay ng braces sa ngipin?”

Click. Send.
Message Sent.

Kalaunan ay nalaman kong wrong send lang pala siya at di daw pala para sa akin ang text message niya. Tsk tsk. Hindi ko alam kung sino man siya, pero isa lang ang malinaw nung mga oras na ‘yon: May isa na namang biktima. Ang mamomroblema. At magdudugo ang ilong. Sa pagbabasa. Ng kakaibang text message nya.

(To Be continued)

January 3, 2010

Philippines: The Texting Capital of the World

Filed under: RePost, Tikas Pinoy, Trivia — jraldrbnt @ 4:21 pm
Tags: , , , , , ,


“TEXTING Capital of the World” pa rin pala ang Pilipinas. ‘Yun ang sabi sa itaas e. Ibig sabihin, hindi pa rin tayo natatalo ng ibang bansa pagdating sa larangan ng paramihan ng katextmate, pakapalan ng kalyo sa hinlalaki, at pabilisan ng pagpindot-pindot.

Hindi ba’t ansarap malamang kahit paupu-upo ka lang diyan at patext-text sa tabi-tabi ay nakakapagbigay-karangalan ka sa bansa mo ng hindi mo alam?
Napapanatili mo sa pagiging numero uno ang ‘Pinas sa pamamagitan lang ng simpleng pagpapadala ng “eow po” at “hu u?” nang walang kahirap-hirap. Kaya naman ‘di na ‘ko magtataka kung malaman kong 1.39 bilyong text messages na pala ang ipinapadala nating mga Pinoy sa ating kapwa Pinoy, araw-araw! Oo. ARAW-ARAW! (Hindi pa kabilang diyan ‘pag araw-gabi na.) Samantalang humigit-kumulang 70 million namang Pinoy ang gumagamit ng cellphone sa ‘Pinas. ‘Yan ang malupet! Sa larangang ‘yan, talo lang naman natin ang mga malalaking bansa gaya ng Europe, America, India at China sa isang istatistikang walang kinalaman sa parumihan ng bansa.

Martin Cooper: "eow pho, txt ba 2?"

Motorola Dyna TAC

Elibs na talaga ako kay Martin Cooper, dahil kung hindi sa kanya, hindi matatawag ang bansa natin bilang “The Texting Capital of the World” (dapat ulit-ulitin, masarap sa pandinig!). Siya lang naman kasi ang unang taong nakaimbento ng Motorola DynaTAC—ang pinakaunang cellular phone sa mundo.

Ang nasabing device ay may sukat na 9 x 5 x 1.75 inches at may bigat na 2.5 pounds na maaari mong ipantawag sa loob ng 35 minutes, pero kinakailangang i-recharge sa loob ng sampung oras. Tikas. Ito rin ang ginamit ni Cooper upang isagawa ang pinakaunang pagtawag gamit ang isang cellular phone noong Abril 3, taong 1973. Samantala, ang una namang text message ay ipinadala sa United States ng isang Neil Papworth noong December 3, 1992 sa personal computer ni Richard Jarvis. Ano ang nilalaman ng pinakaunang text message sa kasaysayan? Isang simple, banayad, humahagod, at sobrang-bago-sa-pandinig na… “Merry Christmas”.

Hanga na talaga ako sa ideya ni Cooper na gumawa ng isang device na tutulong para sa ikauunlad ng samahan ng mga taong distansiya ang pagitan. Aakalain mo bang makakagawa ang mga imbentor natin isang araw ng isang simpleng telepono na slash messenger/calculator/mp3/email/ebook reader/virtual pet/media player/recorder/camera/radyo, slash TV, na magkakasama sa iisang device? All-in-one! Wala ka na talagang hahanapin pa! At hindi na ‘ko magtataka, na kung sa mga susunod na linggo ay malaman ko na lang na may nakaimbento na pala ng isang cellphone na may exclusively built-in refrigerator with double-burner gas stove. Hmm… ‘Nu sa tingin mo?

December 22, 2009

Nang Minsan, May Isang Ondoy

Filed under: Emotherapy, Jraldventure, Tikas Pinoy — jraldrbnt @ 3:53 pm
Tags: , ,

TATLONG buwan na pala ang nakakaraan magmula nang patikimin kami ng hagupit ng bagsik ng bagyong Ondoy. Pero hanggang ngayon, ‘di maitatangging ramdam pa rin namin lahat—higit sampu ng mga kapitbahay ko—ang lupit ng nasabing bagyo. Iba pala talaga ‘pag kalikasan na ang rumesbak. Walang sinasanto. Maging ang mga artista ng siyete… Kahit sino.

“Sa ibabaw ng bubong
Nakita kong nagunaw ang mundo
Sa ibabaw ng bubong
Nakita kong nagunaw ang mundo…”

-Putik by Sandwich

SEPTEMBER 26, 2009. Sabado ng umaga. Makulimlim na ang langit noon, pero hindi nakakapanibago. May bagyo, pero pa-easy-easy pa ‘ko. Nakuha ko pa ngang magcross-stich habang yung kapitbahay namin, ‘di na magkandaugaga sa pagpulot ng mga lumulutang nilang tsinelas. Wala naman kasing mag-aakalang tataas yung katabi naming ilog ng gano’n. At hanggang ngayon, walang nag-akala. Maya-maya pa’y namalayan na lang naming nilalamon na pala ng tubig-baha yung first floor ng bahay namin. Code Red na. Kinailangan nang lumikas.

First Stop: Bahay ni Tito.
Napilitan akong lusungin yung baha para pumunta sa pinakamalapit na kamag-anak. Pagdating ko sa bahay ng “angkol” ko, nagulat ako sa nakita ko. Teka……… NASA HOME FOR THE AGED AKO!!!!! Puro matatanda yung nasa loob ng bahay. Nagdarasal ng “Aba Ginoong Maria”. Paulit-ulit. Natawa ako sa isip-isip ko. Wala naman kasing epekto kahit magdasal sila ng ilang ulit. Hindi bababa ang Diyos mula sa langit. Walang sasagip. Minabuti ko na lang na akyatin yung terrace para tumingin sa mas magandang view. Hanep. Parang “The Day After Tomorrow” lang. Noon lang ulit ako naliwanagan tungkol sa delubyong dinaranas ng bayan ko: Mga umiiyak na paslit, lumulutang na gamit, mga taong nagsisigawan, mga tambay na naghihiyawan, nagkikislapang kable ng kuryente, at iba pang nagtatakbuhan para sa kani-kanilang mga buhay. Seryoso na nga ‘to, hindi na biro. Kulang ang “Aba Ginoong Maria” para sa ganitong trahedya. At mas lalong hindi sapat ang pagkanta ng dalawang “Happy Birthday” habang naghuhugas ng kamay, gamit ang sabong may skin germ protection.

Maya-maya, nagulat na lang ako nang mag-unahang tumakbo ang mga matatanda palabas ng pinto. Nagka-crack daw yung Bahay ni Tito at kailangan nang lumabas. Tsk, tsk. Wala na talagang ligtas na lugar nung mga panahong ‘yon. At isa pa, pinasok na rin ng baha yung sahig nila. Ayaw pa nga ‘kong payagan ng tita ko nung mapansin nyang palabas na ‘ko:

“Hoy sa’n ka pupunta?! Dito ka lang! Dito ka pinaiwan ng nanay mo!”

Natuwa naman ako sa pagiging maaalalahanin ng tita ko. Ang di ko lang maintindihan, ay kung bakit habang sinasabi nya yon, ay kasalukuyan niyang inila-lock yung pinto habang ako ay naiwan sa loob. Hmm…

Second Stop: Bahay ng Asawa ng Kapatid ng Asawa ng Kuya Ko. Ah, basta! Doon muna kami nakituloy. Pero pagpasok na pagpasok ko pa lang, nagulantang na ‘ko. Kung nung una e puro matatanda, ngayon naman… NASA ‘KIDS SECTION’ AKO NG JOLLIBEE!!!!! Puro bata! Puro batang ipinaglihi sa ADHD! Kulet. Pero ayos lang, hospitabol naman yung mga tao sa kanila. Sa katunayan, pinahiram pa nga ako ng isang tshirt (na maliit ang manggas) at isang “bulaklaking” short. Tikaaas!!!

Third Stop: Vacation Center.
Gabi na nung makarating kami sa isang private school na pansamantalang ginawang evacuation center. Ayos naman. Konti ang tao. Pahiga-higa lang habang nagkukwentuhan. Para ka lang nagbabakasyon sa sarili mong bahay. May libre pang rasyon ng Zesto at cup cake! Bagay na di mo nararanasan pag ikaw ay nasa sarili mong bahay. Grabe. Ang gulo nung gabing ‘yon. Kamustahan sa bawat makakasalubong na kapitbahay… na inakala naming inanod na sa kabilang ilog. Andaming kwento. Andaming istorya. Nabuhayan din ako ng loob nang makita ko yung alaga kong aso na, sa awa ng Diyos, ay nakaligtas rin pala. Sa huli, maswerte parin kami. Kasi walang ni isa sa amin ang nasaktan nung araw na ‘yon. Halos wala ring tinangay sa mga gamit namin at hanggang ngayon ay gumagana naman lahat at ayos pa.

Sa pagtatapos ng isang araw ng ulan at pagbaha, sabi nila, may rainbow kang makikita. Ewan. ‘Di naman ako nagpapaniwala. Basta ang alam ko, may ilang “hard lessons” akong natutunan sa pagdaan ng bagyong Ondoy:

Unang Aral: Iwan na ang mga appliances sa bahay. Huwag manghinayang sa mga gamit sa bahay dahil pwede mo naman itong pag-ipunan. Kesa naman manghinayang sa mga buhay na pwedeng masayang.

Ikalawang aral: Minsan pala kailangan rin nating pakinggan ang hinaing ng kalikasan. Hindi ‘yung kung kailan galit na siya, saka lang tayo magkukusa.

Ikatlong Aral: Kailangan pa ba ng bagyo para magkaisa tayong mga Pilipino?

Ikaapat na Aral: Yumayaman ang mga “Kalakal Boys” pagkatapos ng baha.

Ikalimang Aral: Kahit may delubyo, tuloy pa rin sa pagkayod ang mga masisipag na miyembro ng “Salisi” at “Akyat-Bahay Gang”.

Ikaanim na Aral: Magandang timing ang bagyo para malaman kung water-proof ba ang mga appliances ninyo sa bahay pagkatapos ng baha. At…

Ikapitong Aral: Walang malakas na bagyo ang magpapatumba sa mga Pilipino.

December 21, 2009

2012

Filed under: Audience Impact, World Wide Web — jraldrbnt @ 6:35 pm
Tags: , , , ,

KAKATAPOS ko lang manuod ng pelikulang talk-of-the-town ngayon: ang 2012. Tipikal lang naman na disaster movie yung pelikula. Ang pinagkaiba lang nito sa “Mano Po 3″, ito ay base sa mga rumors na kumakalat ngayon sa internet—The End of The World… Doomsday… Apocalypse… Cataclysm… Judgement Day… Ang Pagtatapos ng Lahat ng May Buhay sa Mundo… Ang Paghuhukom… Ang Pagtatapos ng Bagong Season ng Daisy Siete… Boom.

“Do not believe in something, simply because you have heard it.”

Gaya nga ng sabi ko, ito ay base sa bali-balitang magugunaw na raw ang mundo sa year 2012. Hango ito sa prediksyon ng isang tribo sa South America—ang Maya. Ang Mayans ay ang pinakaunang sibilisasyon sa mundo na may kakayahang makita ang hinaharap sa pamamagitan lamang ng paggamit ng mga numero, kalendaryo, at Family Planning. Minsan narin nilang nahulaan ang pagbagsak ng isang bulalakaw mula sa kalawakan, na naging dahilan ng pagdating ni Kokey. Para paikliin ang kwento: Ang Mayans ay may kalendaryo na kung tawagin ay Mayan Calendar. Ang nasabing kalendaryo ay nagtatapos sa petsang December 21 2012. (December 25 daw talaga ‘yon, pero inurong ni Gloria para mas mahaba daw ang holiday). Ang nasabing petsa ay mabilis na kumalat sa internet. Gaya ng mabilis na pagkalat ng kanta ng Wonder Girls.

Isa rin sa mga nagpatunay sa sinasabi ng Mayan, ay si Nostradamus. Para sa ‘yo na kahapon lang ipinanganak: Si Nostradamus ay isa sa mga sikat na manghuhula noong ’80s. Dating miyembro ng That’s Entertainment Thursday Group. Nahulaan niya ang tungkol sa 9/11 Attack, at ang 2010 Election. Nahulaan niyang babangga ang dalawang eroplano sa dalawang building sa Amerika, isang umaga ng September 11, 2001. Siya rin ang may pakana ng nasabing banggaan. Wala pang sumasablay sa mga hula ni Nostradamus. Kaya ganun na lang kung maniwala ang mga followers niya sa Twitter, tungkol sa prediction niya sa 2012.

Isa rin sa mga nagpaangat sa pelikula ay yung special effects. Ito marahil yung dahilan kumbakit trailer pa lang ng nasabing pelikula, ay humataw na ang views sa YouTube. Astig naman talaga kasi yung special effects, e! Walang-wala yung special effects na ginagamit tuwing makikipaglaban si Darna sa Babaeng Tuko. Tsk, tsk. Lalo na ‘yung eksena kung saan nag-aangatan yung lupa dahil sa lindol? Tikas! Nakakapangilabot. Makapigil-hininga. Parang ansarap sipain nung katabi ko habang sumisigaw ako sa tv screen ng: “Tanga, kumaliwa ka sa kanan! ‘Wag diyan, abnormal! Babagsakan ka ng tren! Ayan na! Ilaaagg!!!”

Dala na rin siguro ng curiousity, sinubukan kong hanapin sa internet kung ano talaga ang totoong magaganap sa December 21, 2012. At heto ang ilan sa mga nalaman ko:

1. Sa ganap na 11:11am ay magkakaroon ng planetary alignment sa kalawakan. Ibig sabihin, magpapantay-pantay ang lahat ng planeta kabilang na ang Earth, Sun, Moon at Planet Nemic.

2. Dahil dito, magkakaroon ng malawakang lindol. Magnitude 12. Na magiging dahilan naman ng pagkakasuspinde ng lahat ng klase sa elementarya at high school.

3. Magpuputukan ang mga aktibong bulkan. Binabalaan ang mga kapatid nating ita na magsilikas na ngayon pa lang.

4. Magkakaroon ng malawakang pagbaha at kalat-kalat na pag-ulan sa bandang Timog-Hilagang Asya. Signal number 1 sa Quezon, Apalit, Tuguegarao, Tanay, Cubao at Recto. Magdala ng payong, kapote at lunchbox na may mukha ni Hannah Montana.

5. Magkakaroon ng Polar Shifting. Ito yung event kung saan dadalaw ang lahat ng polar bears mula sa North Pole papuntang Pilipinas upang mangatok sa pinto ninyo para mag-alok ng Shine: Dishwashing Liquid (with Power Bula).

Ayon pa sa nabasa ko, tatlong araw daw mararanasan ng mundo ang ganito. Pero hindi naman daw talaga “End Of The World” na. Kalokohan daw yun. Magkakaroon lang daw ng malaking pagbabago. At normal na daw ito sa mga dalagang edad 10 pataas na dumadaan sa pagbibinata. Isa rin sa mga nabanggit ay ang “pinagkakatiwalaan nating teknolohiya. At kung papaano tayo bibiguin nito, sa oras na pinakakinakailangan ito ng mundo.”

Pero seryoso. Kung tatanungin mo ako kung ano ang palagay ko tungkol dito, simple lang ang isasagot ko: Hindi ako naniniwala. Una, prediction lang ‘yon. Walang makakapagsabi kung mangyayari man yon o hindi. Kahit si Ernie Baron. Ang sagot? Malalaman lang, tatlong taon mula ngayon. Pangalawa, nasabi sa Bible na darating ang Diyos sa Araw ng Paghuhukom na gaya ng isang magnanakaw sa gabi (1st Thessalonians 5:2). Ibig sabihin, darating siya pero walang kahit sinuman nakaalam, na parang Salisi Gang. At pangatlo, kung mangyari nga ito, siguro… Bago magunaw ang mundo yayakapin ko muna ang mga kaibigan, kamag-anak at kapamilya ko. Tapos magpapasalamat ako, dahil pinaranas nila sa akin na masarap pala talagang mabuhay at manirahan… sa mundong minsan ay nanghingi ng respeto para igalang.

.

.

.

“Tanga, kumaliwa ka sa kanan! ‘Wag diyan abnormal! Babagsakan ka ng tren! Ayan na! Ilaaagg!!!”

November 22, 2009

Happy Halloween. Belated.

Filed under: Emotherapy, Tikas Pinoy — jraldrbnt @ 1:48 pm
Tags: , ,

SA isang tanghaling tapat…

Habang taimtim kang nanunuod ng Daisy Siete season 4,708…

Ay may mga batang masayang naglalaro sa isang bakanteng lote…

“Bilog, bilog, bilugan. Asayment, asayment, im, im, impyerno…”

Biglang lalapit ang isang batang babae para makisali…

“Bata, sali ako?”

Biglang haharang ang leader ng grupo. Ito yung pinakamatanda sa kanilang lahat, edad sisenta anyos pataas, para barahin ang batang makikisali…

“Hindi pwede. Maligo ka muna. Balik ka na lang bukas… O kaya mamaya.”

Makalipas ang ilang minuto…

“Bilog, bilog, bilugan. Asayment, asayment, im, im, impyer—

“Bata, bata, sali ako?”

“Ikaw na naman?!”

“Ako nga. Sali ako?”

“Hmm, teka, pag-iisipan ko, sige na nga.”

Sasali ang bata. At dahil bago siya, uulanin sya ng tanong…

“Bilog, bilog, bilugan. Asayment, asayment, im, im, impyer—Teka bata, ano’ng pangalan mo?”

“White lady.”

“Ano’ng pangalan ng nanay mo?”

“Multo.”

“Ano’ng pangalan ng tatay mo?”

“Kapre.”

“Ano’ng pangalan ng ate mo?”

“Aswang.”

Sa puntong ‘to ay magpapakiramdaman ang mga bata para tumakbo…

“Ano yang dala mo?”

“Basket.”

“Basket? Ano’ng laman?”

“Kutsilyo.”

Sa mga puntong ‘to ay naghahanda na ang mga nakangising bata para tumakbo…

“Kutsilyo? Para saan?”

“PARA PATAYIN KAYO.”

Biglang magtatakbuhan ang mga nakangiting bata, habang hinahabol sila ng taya.

“KUNG SINO’NG MATAMAAN NITO SIYA NA’NG WHITE LADY HA?!” sigaw ng hinihingal na taya.

‘Yan ang inspirational story ng mga bata sa katabi naming bakanteng lote kani-kanina. At ‘yang walang kwentang kwento na ring ‘yan, ang napili kong intro, para sa isang blog entry na pang-Halloween. Sana. Pero medyo huli na.

.

.

.

Sa totoo lang, hindi talaga ako takot sa mga multo. (Malakas ang loob kong sabihin ‘to, kasi hindi pa ako nakakita ng isa.) Ang totoo, noong bata ako, sa isang bagay lang ako takot—Oo. Sige, aaminin ko na. Takot ako sa mga Ati-atihan. Yun tipong grupo ng mga negro’t negrang akala mo natapunan ng Boysen sa mukha, na ipinanganak lang yata talaga sa mundo para gumawa ng ingay tuwing tanghaling tapat. Oo. Sila nga. Nakakatawang isipin, pero totoo. ‘Pag naririnig kong nasasapawan na yung instrumental melody ng Selecta Ice Cream, ng ingay mula sa musiko nila, nagkakandarapa na kaagad akong pumasok sa loob ng bahay namin. Kung makikita ko man ngayon yung batang ‘yon, siguro, tatawanan ko na lang siya, kasabay ng pang-aasar na: “Hala ka! May lalabas na kanin, tren, kalabaw, at magsasaka diyan sa tuhod mo!”

Takot talaga ako sa kanila nung bata ako. Nung bata pa ako! Pero ngayong malaki na ako, naisip kong di naman pala dapat kinatatakutan ang mga Ati-atihan. Hindi dahil sa hindi sila yung tipo ng dapat katakutan, kundi dahil sa katotohanang wala naman pala talagang pormal na katawagan sa “Phobia Sa Mga Ati-Atihan”. (Phobia ang tawag sa mga lalaking Phoebe.)

[PAALALA: Walang nasaktang hayop habang ginagawa ang entry na ito.]

Gagamba. Sa gagamba naman ako ngayon takot. Sinusumpa ko ang mga nilalang na may walong paa at may mahahabang galamay. Mababalahibong galamay. Basta, ayoko sa kanila. Sakmalin na ‘ko ng Boogeyman o ‘di kaya’y tadtarin ni Freddie Krueger ‘wag lang akong madikit sa mga gagamba.

Minsan nga, isang hapon, habang nasa loob ako ng banyo at naghahanda sa pagligo ay nakakita ako ng gagamba sa dingding ng maliit naming banyo. Hindi ko alam kung ano’ng gagawin nu’ng mga oras na ‘yon. Maya-maya pa’y nakorner na ‘ko ng nasabing gagamba. Dead end na. Winisikan ko ng bula yung gagamba (na buntis pa pala), pero waepek. Saka ko lang naisip na, hmmmmmm… Ano’ng ginagawa ng tabo sa tabi ko?

(PAUSE.)

[PAALALA: Sa mga puntong ito ay binabawi ko na ang naunang paalala sa itaas na nagsasabing  "Walang nasaktang hayop habang ginagawa ang entry na ito. "]

Sa pagpapatuloy…

Kinuha ko yung tabo sa tabi ko para ihampas sa walang-labang animal. Pinaghahampas ko siya nang pinaghahampas, hanggang sa namalayan ko na lang na para na pala akong tanga habang nakikipaglaro ng fencing sa isang kuto. Konting kilos lang ng nasabing gagamba ay susundan ko na naman ito para paulanan ng tabo. Thack! Thack! Pow! Cling! Hanggang sa bumagsak ang pisang kaawa-awang gagamba (na buntis nga pala). Doon ko lang namalayan na napisa ko pati ang itlog nito. Agad na nagtalunan ang mga maliliit na gagamba para muli akong gambalain sa susunod na henerasyon. Parang nakita ko pa ngang nakangiti sa akin ang kanilang ina. Nang-aasar. Bumubulong sa kanyang mga anak kung paano uumpisahan ang planong pagtugis sa akin, 5 minutes bago siya mamatay. Tulad ng tipikal na papel ng mga nag-aagaw-buhay na lolo’t-lola sa mga telenobela ng syete.

Hindi na ako nakaligo nu’ng araw na ‘yon. ‘Yun naman talaga ang balak ko.

ISA rin sa mga sikat na alagad ng Halloween, at paboritong topic ng mga kadalagahang ober kung makatili, ay si Bloody Mary.

Si Bloody Mary, gaya ng pagkakaalam ko, ay isang babaeng kilala dahil sa kanyang mahabang buhok, puting damit, at pangisay-ngisay na lakad. Pagkalipas ng pitong araw, lumalabas siya sa TV — sa mga oras na hindi mo inaasahan — para patayin ang mga taong nakapanuod ng kanyang…

Ooops. Teka. Maling impormasyon. ‘Di pala siya ‘yon. Teka… Ok. Teka… Ayan, ok na…

Si Bloody Mary ay kilala sa iba’t-ibang pangalang gaya ng: Hell Mary, Mary Worth, Bloody Bones, Mary Worthington, Black Agnes, Aggie, Mary Jane, Svarte Madame, Mary Whales, Mary Lou, Mary Johnson at <insert pangalan-ng-iyong-biyanan here>.

Isa lang ang supernatural tale ni “Bloody Mary” sa mga supernatural tales na may pinakamaraming versions sa buong mundo.

Pumapangalawa ang Daisy Siete, na may humigit-kumulang 4,708 seasons.

Ayon sa bersyong nabasa ko sa internet, sinasabing isa sa mga epektib na ritwal upang matawag si Bloody Mary ay una, kinakailangan daw itong gawin sa banyo, habang hawak ang isang may sinding kandila, na patay ang ilaw, sa isang hating gabi, habang binabanggit ang pangalang Bloody Mary ng tatlong beses (Ayon sa iba, 13 daw. Sabi ng iba, 100. At ayon sa iba pa, 666 times daw. Ang sabi ko naman, bakit di mo subukang 4,708 times? Sa sobrang dami no’n, tiyak na matatawag at matatawag mo ang kaluluwa ng nasabing multo.)

Di ko alam kung ano ang dapat paniwalaan sa mga ‘yan. At WALA AKONG PAKIALAM. Ayokong subukan. Ayos na ‘ko sa pagbabasa ng mga comment sa internet na gaya nito:

“Oo! Totoo ‘yan! Totoo si Bloody Mary. Maniwala ka. Totoo siya. Please lang, maniwala ka! Oh ayan, nasabi ko na. Baka po pwede nyo na po akong bitawan?”

Ayos na ‘ko dito.
Kuntento na ‘ko sa nababasa kong aswang sa mga libro, mga multo sa diyaryo, at mga kaluluwa sa video.
Ok na kong nakasara ang third eye ko.
Ayos na ‘ko sa phobia ko sa Ati-Atihan.
Kuntento na kong di makakita ang dalawang mata ko ng kaluluwa.
Kuntento na ‘ko sa mga gagamba…

CHORUS:
Huhuhu takot ako!
Sumbong kita sa tatay ko!

Papaluin ka nya ng belt,
Siguradong sisigaw ka ng “help”!

Huhuhu takot ako!
Midnight DJ tulong please!

Dahil siya’y nakakainis,
Walang humpay,
walang mintis!
(Repeat Chorus 2x)

November 3, 2009

1 Minute of Fame

Filed under: Audience Impact, Tikas Pinoy — jraldrbnt @ 7:26 am
Tags: ,

MUKHANG nauuso yata ngayon ang iba’t-ibang talent shows sa telebisyon at ganun na lang kung magpalabas ang kaliwa’t-kanang channel ng mga Pinoy na nagtatagisan ng talento. Parang libreng carnival sa screen ng TV nyo. Hindi mo na kinakailangan pang lumabas ng bahay, snack na lang ang problema mo. Isang Piattos lang solb ka na, para ka na ring nakapanuod ng mga freak show sa perya.

Sa ayaw mo man o gusto, makakapanuod ka ng mga taong kumakain ng incandescent bulb, mga asong nag-aasal tao, at mga sisenta-anyos na lolang gumigiling sa tugtog na “Jai Ho”. Seryoso. At nasabi ko na bang 6 times a week kang makakapanuod ng eksenang ganito? Oo. 6 times a week mong mapapanuod si lolang sumasayaw ng “Jai Ho”… sa ayaw mo man o gusto.

At hindi sapat na excuse ang Facebook kung sakaling makaligtaan mong panuorin ang dance moves ni Lola, dahil—sa ayaw mo man o gusto—meron pa namang Replay ang mga namiss mong eksena… Oha, sa’n ka pa?

Maliban kay Lola, main attraction din ang iba’t-ibang Pinoy na talaga namang talentado—actrobats, contortionists, magicians, illusionists, ventriloquists, puppeteers, jugglers, clowns, comedians, impersonators, mime artists, musicians, singers, dancers, rappers, banda, soloista, Kuryente King, Birit Queen, Boy Bakal, Yoyo Master, Salisi Gang, Rugby Boy, mga taong kumakain ng bala, ngumunguya ng bigas, lumulunok ng plema at kung sinu-sino pang kung anu-ano na lang ang kinakain gaya ng blade, apoy, tirador, pako, buhay na manok at mga belly dancers.

Minsan nga, nakakasawa na, kasi kung sino yung mga mukhang nakita mong nagperform last week sa kabilang channel e makikita mo na namang magpeperform sa kalabang channel. ‘Pag ganun na, e medyo wala nang excitement dahil napanuod mo na ‘yun nang ilang beses. Kaya medyo may alam ka na kung ano yung sunod na gagawin ng performer, kung anong oras siya hihiga sa pako, at kung saan sa mga mata niya sisirit yung gatas. Tsk. Tsk.

Sabi nga ni Andy Warhol, “In the future, everyone will be world-famous for 15 minutes.” Siguro nga tama siya. Heto na nga siguro yung tinutukoy niyang “future”. Pero kung tutuusin, ang 15 minutes ay masyadong mahaba. Sa nakikita ko ngayon, 1 minute of  fame lang ang kinakailangan, instant celebrity ka na. Basta may talento ka. Makapal na mukha. Pagkawalang-hiya. At lakas ng loob na humarap sa mga mapanghusgang hurado, masasakit na komento, at sa katotohanang ‘di sa lahat ng oras… Ikaw ang panalo.

Blog at WordPress.com.