2012

KAKATAPOS ko lang manuod ng pelikulang talk-of-the-town ngayon: ang 2012. Tipikal lang naman na disaster movie yung pelikula. Ang pinagkaiba lang nito sa “Mano Po 3″, ito ay base sa mga rumors na kumakalat ngayon sa internet—The End of The World… Doomsday… Apocalypse… Cataclysm… Judgement Day… Ang Pagtatapos ng Lahat ng May Buhay sa Mundo… Ang Paghuhukom… Ang Pagtatapos ng Bagong Season ng Daisy Siete… Boom.

“Do not believe in something, simply because you have heard it.”

Gaya nga ng sabi ko, ito ay base sa bali-balitang magugunaw na raw ang mundo sa year 2012. Hango ito sa prediksyon ng isang tribo sa South America—ang Maya. Ang Mayans ay ang pinakaunang sibilisasyon sa mundo na may kakayahang makita ang hinaharap sa pamamagitan lamang ng paggamit ng mga numero, kalendaryo, at Family Planning. Minsan narin nilang nahulaan ang pagbagsak ng isang bulalakaw mula sa kalawakan, na naging dahilan ng pagdating ni Kokey. Para paikliin ang kwento: Ang Mayans ay may kalendaryo na kung tawagin ay Mayan Calendar. Ang nasabing kalendaryo ay nagtatapos sa petsang December 21 2012. (December 25 daw talaga ‘yon, pero inurong ni Gloria para mas mahaba daw ang holiday). Ang nasabing petsa ay mabilis na kumalat sa internet. Gaya ng mabilis na pagkalat ng kanta ng Wonder Girls.

Isa rin sa mga nagpatunay sa sinasabi ng Mayan, ay si Nostradamus. Para sa ‘yo na kahapon lang ipinanganak: Si Nostradamus ay isa sa mga sikat na manghuhula noong ’80s. Dating miyembro ng That’s Entertainment Thursday Group. Nahulaan niya ang tungkol sa 9/11 Attack, at ang 2010 Election. Nahulaan niyang babangga ang dalawang eroplano sa dalawang building sa Amerika, isang umaga ng September 11, 2001. Siya rin ang may pakana ng nasabing banggaan. Wala pang sumasablay sa mga hula ni Nostradamus. Kaya ganun na lang kung maniwala ang mga followers niya sa Twitter, tungkol sa prediction niya sa 2012.

Isa rin sa mga nagpaangat sa pelikula ay yung special effects. Ito marahil yung dahilan kumbakit trailer pa lang ng nasabing pelikula, ay humataw na ang views sa YouTube. Astig naman talaga kasi yung special effects, e! Walang-wala yung special effects na ginagamit tuwing makikipaglaban si Darna sa Babaeng Tuko. Tsk, tsk. Lalo na ‘yung eksena kung saan nag-aangatan yung lupa dahil sa lindol? Tikas! Nakakapangilabot. Makapigil-hininga. Parang ansarap sipain nung katabi ko habang sumisigaw ako sa tv screen ng: “Tanga, kumaliwa ka sa kanan! ‘Wag diyan, abnormal! Babagsakan ka ng tren! Ayan na! Ilaaagg!!!”

Dala na rin siguro ng curiousity, sinubukan kong hanapin sa internet kung ano talaga ang totoong magaganap sa December 21, 2012. At heto ang ilan sa mga nalaman ko:

1. Sa ganap na 11:11am ay magkakaroon ng planetary alignment sa kalawakan. Ibig sabihin, magpapantay-pantay ang lahat ng planeta kabilang na ang Earth, Sun, Moon at Planet Nemic.

2. Dahil dito, magkakaroon ng malawakang lindol. Magnitude 12. Na magiging dahilan naman ng pagkakasuspinde ng lahat ng klase sa elementarya at high school.

3. Magpuputukan ang mga aktibong bulkan. Binabalaan ang mga kapatid nating ita na magsilikas na ngayon pa lang.

4. Magkakaroon ng malawakang pagbaha at kalat-kalat na pag-ulan sa bandang Timog-Hilagang Asya. Signal number 1 sa Quezon, Apalit, Tuguegarao, Tanay, Cubao at Recto. Magdala ng payong, kapote at lunchbox na may mukha ni Hannah Montana.

5. Magkakaroon ng Polar Shifting. Ito yung event kung saan dadalaw ang lahat ng polar bears mula sa North Pole papuntang Pilipinas upang mangatok sa pinto ninyo para mag-alok ng Shine: Dishwashing Liquid (with Power Bula).

Ayon pa sa nabasa ko, tatlong araw daw mararanasan ng mundo ang ganito. Pero hindi naman daw talaga “End Of The World” na. Kalokohan daw yun. Magkakaroon lang daw ng malaking pagbabago. At normal na daw ito sa mga dalagang edad 10 pataas na dumadaan sa pagbibinata. Isa rin sa mga nabanggit ay ang “pinagkakatiwalaan nating teknolohiya. At kung papaano tayo bibiguin nito, sa oras na pinakakinakailangan ito ng mundo.”

Pero seryoso. Kung tatanungin mo ako kung ano ang palagay ko tungkol dito, simple lang ang isasagot ko: Hindi ako naniniwala. Una, prediction lang ‘yon. Walang makakapagsabi kung mangyayari man yon o hindi. Kahit si Ernie Baron. Ang sagot? Malalaman lang, tatlong taon mula ngayon. Pangalawa, nasabi sa Bible na darating ang Diyos sa Araw ng Paghuhukom na gaya ng isang magnanakaw sa gabi (1st Thessalonians 5:2). Ibig sabihin, darating siya pero walang kahit sinuman nakaalam, na parang Salisi Gang. At pangatlo, kung mangyari nga ito, siguro… Bago magunaw ang mundo yayakapin ko muna ang mga kaibigan, kamag-anak at kapamilya ko. Tapos magpapasalamat ako, dahil pinaranas nila sa akin na masarap pala talagang mabuhay at manirahan… sa mundong minsan ay nanghingi ng respeto para igalang.

.

.

.

“Tanga, kumaliwa ka sa kanan! ‘Wag diyan abnormal! Babagsakan ka ng tren! Ayan na! Ilaaagg!!!”

3 responses to this post.

  1. ako din. hindi ako naniniwala sa 2012. kasi si Lord naman talaga ang may hawak ng lahat. hindi ako naniniwala kay nostradamus o sa mga Maya na hindi ko alam kung anong klaseng nilalang sila. Pwera na lang kung si Madam Auring na ang magcoconfirm. hehe. joke lang. :)

    Reply

  2. Posted by obaet on February 6, 2010 at 7:08 pm

    di din ako nainiwala.una,galit si Lord sa mga manghuhula.panglawa,di nahuhulaan ng mga manghuhula kung kelan sila mamatay.pangatlo,nonsense sila. :) bsta only God knows when and how. :D

    Reply

  3. El Niño. Lindol sa Haiti (na naging dahilan upang gawan ng bagong version ang kantang “We Are The World”). Na sinundan pa ng 8.8 magnitude na lindol sa Chile. Na naging dahilan naman ng sinasabing pagtama ng tsunami sa ilang probinsya sa Pilipinas anumang oras mula ngayon.

    Sa tingin mo…

    Senyales na nga ba ‘to na nagsisimula nang magkatotoo ang mga prediksyon at hula ukol sa paggunaw ng mundo?

    O sadyang napapadalas lang talaga ang panunuod ko ng 24 Oras, ano ho?

    Reply

Respond to this post